METRO MANILA – Iginiit ng National Task Force kontra Coronavirus Disease na tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan upang maiwasan ang pagpasok sa bansa ng UK coronavirus variant.
Kasunod ito ng ulat na may pasaherong galing Pilipinas at dumating sa Hong Kong na positibo sa pinangangambahang bagong variant ng Coronavirus.
Mayroon ding mga ginagawang konsultasyon at mga pagpupulong sa mga eksperto upang mapaigting ang mga hakbang ng pamahalaan laban dito.
Kumpiyansa naman ang ntf na kakayanin ng pilipinas na harapin ang hamon sakaling tuluyang makapasok sa bansa ang bagong variant ng virus sa pamamagitan ng istriktong detection, isolation, tracing at pagpapatupad ng minimum health standards.
“Tayo po ay prepared at naibigay na po natin sa DILG una bigyang babala ang ating mga mayors na tingnan at imonitor yug tinatawag na syndromic surveillance tsaka case findings.” ani NTF vs Covid-19/ Vaccine Czar Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez.
Batayan din ng opisyal ang nangyaring pag-kontrol ng Pilipinas sa nag-evolve na coronavirus sa bansa noong buwan ng Hulyo at Agosto kung kailan tumaas ang transmission at Covid-19 cases sa bansa.
Samantala, bilang pagtugon sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng grupo ng mga medical expert na tututok sa pag-aaral ng bagong coronavirus variant, inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force sa bisa ng resolution number 92 ang pagkakaroon ng Technical Working Group sa Covid-19 variants.
Layon nitong imonitor at tukuyin ang umiiral na SARS-COV-2 variants sa bansa at maghain ng rekomendasyon sa iatf sa gagawing pagresponde laban sa anumang variant ng coronavirus.
Binubuo ito ng iba’t ibang kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire bilang Chairperson at Philippine Council For Health Research and Development Executive Director Jaime Montoya bilang co-chair.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bilang bahagi naman ng pinaigting na hakbang ng pamahalaan, kahit nabakunahan na kontra Covid-19 ang sinumang indibidwal na darating sa Pilipinas galing sa ibang bansa o teritoryo, subject pa rin ito ng mandatory testing at quarantine protocols.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid UK variant