Pagtatanong kung nasaan ang Pangulo, maituturing na ‘National Threat’ — Sen. Padilla

by Radyo La Verdad | November 29, 2022 (Tuesday) | 7611

METRO MANILA – Kung si Senator Robin Padilla ang tatanungin, dapat daw ireklamo ang mga umano’y nagpakalat ng tsismis laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pagdinig sa senado kahapon (November 28) kaugnay ng paglaganap ng fake news, nakwestyon ng mambabatas ang Office of the Press Secretary (OPS) kung bakit wala raw itong ginawa sa mga umano’y fake news na lumabas laban sa pangulo.

Matatandaang nag-trending noon sa social media ang hashtag ‘Nasaan ang Pangulo’ sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Paeng noong Oktubre.

Napuna ng ilang netizen na via video teleconference lamang dumalo si Pangulong Bongbong Marcos Jr sa NDRRMC meeting na umani ng spekulasyon sa social media na posibleng wala umano sa Pilipinas ang pangulo.

Para sa senador, maituturing umanong ‘National Threat’ ang paghahanap sa pangulo.

Ayon kay OPS Undersecretary Rowena Reformina, maingat umano nilang binabalangkas ang mga pahayag at impormasyon kaugnay ng pangulo bago ito ilabas sa midya upang matiyak ang pagiging totoo nito.

Ipinaliwanag naman kalaunan ng Department of Justice (DOJ) na maaaring magsampa ng reklamo ang sinuman sa ilalim ng Article 154 ng revised penal code na nagpaparusa sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,