METRO MANILA – Umpisa pa lang ng taong 2021 ay sasalubungin na ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation ng mas mataas na buwanang kontribusyon sa PhilHealth.
Mula sa kasalukuyang 3% na premium rate, magiging 3.5% na ito. Katumbas ito ng P350 na kontribusyon para sa mga nakatatanggap ng buwanang sahod na P10K pababa;
P350 hanggang P2,449 and 99 centavos naman para sa mga may basic salary na mahigit P10K – P70K; at P2,450 na fixed contribution para sa mga sumusweldo ng P70K pataas.
Pinaghahatian ang kontribusyon ng mga miyembrong empleyado kabilang na ang mga kasambahay at nang employer nito.
Buo naman itong babayaran ng mga self-paying member, professional practitioners, land-based migrant workers at iba pang direct contributors na walang employer-employer relationship.
Sa pahayag na inilabas ng PhilHealth, ang pagpapatupad ng itinakdang taunang pagtataas ng contribution rate ay upang masiguro ang sapat na pondo para sa 110 million members nito alinsunod sa Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Law.
Sa ilalim ng UHC law na naaprubahan noong Abril, magtaas ang PhilHealth ng premium rate na 0.5 percent kada taon simula 2021 hanggang sa maabot nito ang 5 percent limit sa 2025.
Paliwanag pa ng PhilHealth, bagaman nauunawaan nila ang kasalukuyang sitwasyon kasabay ng pandemya kung saan marami ang naapektuhan ang hanapbuhay, obligado anila itong ipatupad ang naturang batas para na rin sa mas maayos na health care services sa gitna ng laban ng bansa kontra Covid-19.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang mga netizen kaugnay sa karagdagang kontribusyon sa kabila ng pandemya at isyu ng korapsyon na kinakaharap ng PhilHealth.
Tutol rin ang ilang labor groups at employers sa hakbang na ito na anila’y dagdag pasanin sa mga manggagawa at employers na pilit pa ring bumabangon mula sa nararanasang krisis.
Samantala, target pa rin ng PhilHealth ang zero balance billing sa taong 2021.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: 2021, Philhealth