Pagtanggi sa National ID sa mga transaksyon, papatawan ng parusa — PSA

by Radyo La Verdad | November 29, 2021 (Monday) | 4755

METRO MANILA – Pinaalalahanan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pagmumultahin ng hanggang ₱500,000 ang mga ahensya ng gobyerno at private entity kung hindi nila kikilalanin ang National ID sa kanilang mga transaksyon.

Ayon sa kanilang social media post noong November 10, ang pagpapakita ng Philippine ID ay sapat na patunay ng pagkakakilanlan kahit hindi na magpakita ng iba pang dokumento na sumusuporta sa pagkakakilanlan ng tao.

Nabanggit din nila na kung ang isang opisyal o empleyado ng gobyerno ang nasangkot sa naturang gawain, bukod sa multang aabot sa ₱500,000 ay hindi na rin sila makakapasok sa kahit anong sangay at operasyong sakop ng gobyerno.

Dagdag pa ni PSA Undersecretary Dennis Mapa, titiyakin nila na ang mga National ID ay magagamit ng mga mamamayan sa pag-access sa iba’t ibang serbisyo.

Ayon sa Republic Act No. 11055 o ng Philippine Identification System (PhilSys) na pinirmahan ni Pang. Rodrigo Duterte noong 2018, ang National ID ay naglalayong mapabilis ang proseso sa pagpapasa ng mga requirement sa mga pampubliko at pribadong transaksyon.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,