METRO MANILA – Bumilis pa ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa noong nakalipas na buwan batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Umakyat ito sa 6.1% nitong Setyembre, mas mataas sa 5.3% na naitala noong Agosto.
Itinuturing na dahilan nito ang pagtaas sa presyo ng pagkain gaya ng bigas, karne ng baboy at iba pa.
Nakaambag din dito ang transport cost dahil sa mas mabagal na pagbaba sa presyo ng gasoline at diesel.
Ayon naman sa PSA, hindi pa matukoy at kinakailangan pa ng mas malalim na pag-aaral upang mabatid kung nakatulong nga ba ang price cap sa bigas na ipinatupad nitong Setyembre upang pigilan pa ang pagtaas ng inflation rate.
Ayon sa datos na kanilang nakalap, sa mga unang araw ng Setyembre, nag-ubos pa aniya ng stocks ng bigas ang mga retailer at kakaunti lang ang nag-comply sa price cap.
Sa ikalawang bahagi lang aniya ng Setyembre, mas tumaas ang compliance dito.
Inaasahan namang magkakaroon ng epekto sa October 2023 inflation rate ang P1 dagdag singil sa public utility jeepneys na sisimulang ipatupad sa October 8, 2023.
Samantala, ayon kay House Committee on Ways and Means Chairperson, Albay Representative Joey Salceda, ang September inflation rate na ang inaasahang pinakamatindi ngayong ber months.
Hindi aniya nakuha sa datos ng psa ang pagbaba sa global oil price pagkatapos ng September 27 gayundin ang ibinaba sa presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Naniniwala rin itong iinam na ang sitwasyon ng inflation sa mga susunod na buwan.
Gayunman, kinakailangan pa ring gumawa ng hakbang upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain sa ber months dahil karaniwan nang may inflationary effects ang bonus season.