Pagsasara ng 2 lane sa Southbound ng Edsa Balintawak, tatagal hanggang March 14.

by Erika Endraca | February 27, 2020 (Thursday) | 6600

METRO MANILA – Maaga pa lamang Kahapon (Feb. 26)  tumukod na ang traffic mula Balintawak hanggang Edsa Monumento, at mas lumala pa hanggang Kagabi matapos isara ang 2 lane sa South Bound ng Edsa Balintawak.

Pansamantalang isinara ang bahagi ng kalsada upang bigyang daan ang konstruksyon ng Metro Manila Skyway Stage 3 Project.

Isa itong elevated expressway na may habang 14.82 kilometers mula Buendia sa Makati hanggang sa Balintawak Quezon City.

Nakapagtayo na ang contractor ng girder sa ibabaw ng tulay sa Balintawak na magsisilbing pundasyon upang maidugtong ang bahagi ng skyway.

Ayon kay MMDA Edsa Traffic Chief Edison Bong Nebrija, mahigit sa 40% ng kalsada sa Balintawak ang naokupa ng proyekto.

Pansamantalang sarado ang 2 lane ng Balintawak hanggang sa March 14.

“Traffic talaga mabigat, na forsee na namin yan even before the start,ang problema kasi talaga diyan sa edsa balintawak na yan wala ka naman talagang alternate route..malayo” ani Edsa Traffic Chief, MMDA Edison “Bong” Nebrija.

Maaaring ipuwesto ng mga contractor ang heavy equipment sa kalsada sa pagitan ng alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw at hindi na dapat abutin pa ng rush hour.

“Walang maiiwang equipment outside the area that we have given them halimbawa may crane na silang nakalagay sa two lanes ngayon baka magkaroon sila ng additional equipment in building that crane ang sa amin lang maalis nila yan during rush hours 2 lanes lang tayo” ani Edsa Traffic Chief, MMDA Edison “Bong” Nebrija.

Pinapayuhan ng MMDA ang mga motorista na humanap muna ng alternatibong ruta o planuhin ng mas maaga ang kanilang pagbiyahe upang hindi maperwisyo ng matinding traffic.

Para sa mga motoristang mangagaling ng Caloocan at pupunta ng Quezon City, maaring dumaan ng C-3 road. Habang ang mga magmumula naman ng Valenzuela, Malabon at Navotas ay maaring dumaan sa Karuhatan, Tatagos ng NLEX saka lulusot sa Mindanao Avenue.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,