Mga motorsiklo na mababa sa 400cc, bawal na sa osmeña highway simula July 22

by Erika Endraca | July 10, 2019 (Wednesday) | 7721

MANILA, Philippines – Hindi na pahihintulutan na makadaan sa osmeña hiway simula sa July 22 ang lahat ng mga motorsiklo na wala pang 400cc.

Ang naturang regulasyon ay ipatutupad ng skyway corporation na namamahala sa South Luzon Expressway  SLEX at Skyway.

Ayon sa skyway corporation, minarapat nilang ipatupad ang ban upang maiwasan ang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.

Simula sa sales road sa Pasay at hanggang sa Buenadia Avenue sa Makati ay off limits na ang maliliit na motor.

May hurisdiksyon ang skyway corporation sa naturang mga kalye kung kaya’t may karapatan ito na magpatupad ng kanilang regulasyon. Para sa ilang motorista, problema ito dahil mas malayo na ang kanilang iikutan para makarating ng makati area.

Nilinaw naman ng mmda na wala naman silang hurisdiksyon sa malaking bahagi ng osmeña highway na pagmamayari ng skyway corporation. Subalit sana man lang umano  ay nakipagugnayan ang skyway corporation sa kanila upang magawan ng paraan ang magiging epekto ng bagong regulasyon sa daloy ng trapiko malapit doon.

Ayon sa mmda, maaaring mas bumigat ang trapiko sa mga kalye malapit sa osmeña highway na gagawing alternatibong ruta ng mga nag momotorsiklo.

“Kung magdadagdag ng traffic yan wala naman kasing binibigay sa amin na volume counting kung ilan ang matatanggal dyan eh, diba kami kapag na re-route kami nagsasarado kami ng kalsada we give information ilan ang maaapektuhang sasakyan ano ang mangyayari sa reroutan na kalsada how many volume are you expecting to receive wala naman kaming ganun na natatanggap sa kanila, ang gusto lang nila isarado then so be it” ani MMDA Traffic Manager Bong Nebrija

Sa facebook page naman ng motorcycle rights organization, nagpa-plano na ang mga ito na makipag dayalogo sa mga kinauukulan upang masolusyunan ang ibubungang problema ng sub-400cc ban sa osmeña highway.

(Mon Jocson | Untv News)

Tags: , , ,