Pagsasapubliko ng pangalan ng mga umano’y sangkot sa Drug Recycling, ipinauubaya na ng Senado kay Pangulong Duterte

by Erika Endraca | September 26, 2019 (Thursday) | 37720

MANILA, Philippines – Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte umano ang may gustong makita ang listahan ng mga pulis na umano’y sangkot sa recycling ng iligal na droga sa bansa.

Handa naman ang mga senador na ibigay ito sa Pangulo, at ipinauubaya na nila sa Punong Ehekutibo ang pagsasapubiko nito.

Ayon kay Senator Bong Go kapag napatunayang sangkot nga sa iligal na droga ang mga pulis na nasa listahan hindi umano magdadalawang isip ang Pangulo na tanggalin sila sa serbisyo at kung magmamatigas ay tiyak na may kalalagyan ang mga ito.

Naaalarma naman si Senate President Vicente Sotto III dahil natuklasan nila na konektato pa rin sa illegal drug transaction sa bilibid ang Agaw Bato Incident na nangyari sa Pampanga noong 2014.

Samantala hindi naman nagustuhan ng ilang senador ang pahayag ng Philippine National Police (PNP) na dapat magdahan dahan ang mga Senador sa paglalabas ng pangalan ng mga pulis na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga dahil magiging malaking dagok ito sa PNP.

Pero ayon kay Senator Bong Go buo pa rin ang tiwala ng Pangulo kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa kabila ng isinasangkot ang pangalan nito sa drug recycling.

Sinabi naman ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na nakahinga na rin ng maluwag si Albayalde ngayong malapit nang maisapubliko ang naturang listahan.

Samantala si Bagiuo City Mayor Benjamin Magalong naman na syang nagbigay ng listahan sa mga Senador, ay nakakatanggap na umano ng banta sa kanyang buhay.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: ,