Desidedo ang Philippine National Police na maghain ng reklamo laban sa mga militanteng grupo na kumuha ng cellular phone ng 2 police intel sa kasagsagan ng protesta sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III nito lamang lunes.
Ayon kay PNP Chief P/Dir.Gen. Ricardo Marquez, binugbog ng mga ito ang dalawang pulis intel na kumukuha lamang ng video na bahagi ng kanilang trabaho.
Nauna nang sinabi ni dating QCPD Director P/CSupt. Joel Pagdilao na inihahanda na nila ang mga reklamong isasampa sa mga militante dahil sa ginawa ng mga ito.
Nanindigan din ang pinuno ng pambansang pulisya na mali ang ginawa ng mga raliyista na saktan ang dalawang pulis gayong pinayagan na sila na magsagawa ng programa sa lugar kahit walang permit.
Kahapon ay nagsagawa ng rally sa labas ng gate ng Kampo Crame ang mga militante at sinabing isosoli ang kinuha nilang cellular phone sa 2 police intel, mga shield at iba pang gamit ng pulisya kapalit nang hindi pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Tags: PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, QCPD Director P/CSUPT. Joel Pagdilao