Aminado ang Philippine Drug Enforcement Agency na posibleng magkaroon ng negatibong epekto sa kasalukuyan nilang drug operations katuwang ang PNP ang bagong utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa inilabas na memorandum na nilagdaan ng Pangulo kahapon, ipauubaya na sa PDEA ng mga law enforcement agency tulad ng PNP, NBI, Bureau of Customs at maging ng ad hoc task force ang mga operasyon kontra iligal na droga sa bansa.
Ayon naman kay PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, bawas trabaho na ito sa kanila at makakatutok sa ibang krimen tulad ng riding in tandem at internal cleansing sa PNP.
Una nang sinabi noong Martes ni PDEA Chief Aaron Aquino sa panayam sa Get it Straight with Daniel Razon na malaki ang kakulangan nila pagdating sa manpower lalo na at mahigit isang libo lamang ang kanilang PDEA agents.
Aniya, sa mga matagumpay na drug operations, anim na pung porsyento rito ay nagawa ng PNP habang ang apat na pung porsyento naman ay sa PDEA. Aminado rin ito na sa ngayon ay hindi pa nila kayang tumayo sa sarili nilang paa. Ngunit tiniyak naman ng PDEA na susunod sila sa utos ng Pangulo.
Hiling lamang nito na maipagkaloob sa kanila ang dagdag na pondo upang makapagdagdag ng tao at makabili ng mga makabagong kagamitan para sa mas pinaigting na operasyon.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: anti-drug operations, pdea, Pres. Duterte