Pag-revoke sa amnesty ni Sen. Trillanes, bahagi ng prosekusyon ng administrasyon sa oposisyon – VP Robredo

by Radyo La Verdad | September 5, 2018 (Wednesday) | 4251

Mariing kinondena ng oposisyon ang ginawang pagpapawalang bisa sa amnesty na ibinigay ng Aquino administration kay Senator Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Vice President Leni Robredo at Senator Bam Aquino, malinaw na bahagi ito ng pag-atake ng administrasyon sa oposisyon.

Anila, isa sa dahilan ng naturang hakbang ay patahimikin ang mga kritiko ng pamahalaan na pumupuna sa kakulangan nito ng aksyon sa ilang isyu.

Kabilang na ang mataas na presyo ng bilihin at produktong petrolyo dahil sa TRAIN law; gayundin ang krisis sa bigas sa bansa dahil sa kabiguan ng NFA  na gampanan ang kanilang trabaho.

Ayon kay VP Robredo, ang nangyayari kay Trillanes ay dati na ring ginawa ng administrasyon kay Senator Leila De Lima at dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Pero tiniyak ng oposisyon na hindi sila mapipigil para magsalita.

Iginiit naman ni Aquino na na-comply ni Senator Trillanes ang kailangang dokumento para magawaran ng amnestiya.

Pero una nang iginiit ng Malakanyang na may batayan ang Proclamation Number 572 o ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pawalang-bisa ang amnestiyang ipinagkaloob ng Aquino administration kay Trillanes.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,