Pagresolba sa rice hoarding, isa sa nakikitang solusyon sa lumalalang inflation ng Duterte administration

by Radyo La Verdad | August 8, 2018 (Wednesday) | 4416

File photo from PCOO FB Page

Pumalo sa 5.7% ang inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa nitong buwan ng Hulyo batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA). Pinakamataas na naitala ito sa loob ng limang taon.

Kaya naman ang pagresolba sa rice hoarding at pagpapahintulot ng rice importation sa lahat ang ilan sa nakikitang solusyon ng Duterte administration sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Dahil dito, may panibagong babala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rice hoarder.

Ayon sa Pangulo, pwersahang niyang pabubuksan ang kanilang mga imbakan ng bigas kung magpapatuloy sa iligal na gawain. Kilala rin umano Pangulong Duterte kung sino ang mga rice hoarder sa bansa.

Una nang napaulat na personal na tinawagan ni Pangulong Duterte ang isang rice hoarder at inatasan ito na ilabas ang lahat ng kaniyang imbak na bigas sa loob ng 72 oras.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sumunod naman ang naturang negosyante sa sinabi ng Pangulo at inilabas ang lahat ng stock na bigas sa kaniyang warehouse.

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,