Nagpulong na ang Consultative Committee na inatasang repasuhin ang 1987 Constitution kaugnay ng isinusulong na sistemang pederalismo. Pitong sub-committee ang binuo upang paghati-hatian ang magiging laman ng bagong Saligang Batas.
Pangunahin na rito ang magiging balangkas ng federal government at pagbuo ng mga estado kasama na ang Bangsamoro. May naatasan ding aralin ang reporma sa ekonomiya at mga karapatan ng taong-bayan.
Ayon kay retired Chief Justice Reynato Puno, ang chairman ng komite, itutugma nila ang bagong sistema sa pangangailan ng mga Pilipino. May anim pang bakante sa Consultative Committee at nais ni CJ Puno na mapunan ito sa lalong madaling panahon.
Wala namang nakikitang problema si CJ Puno sa kalayaan ng komite kahit pa lahat sila ay appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ipinunto lamang aniya ng Pangulo na unahing bigyan ng atensyon ang problema sa Mindanao.
Simula ngayon, magpupulong na ang mga sub-committee at tatagal ito hanggang sa Abril. Ipipresenta ang draft ng bagong Saligang Batas para sa public consultation mula Abril hanggang Hunyo. Target naman itong maaprubahan ng komite bago ang SONA ng pangulo sa Hulyo.
Ayon kay CJ Puno, bubuksan nila ang konsultasyon maging sa mga tutol sa pagbabago ng konstitusyon. Hanggat maaari, bubuksan ng komite sa publiko ang kanilang mga sesyon pero wala pa silang pinal na panuntunan para dito.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )