Pagrebisa sa Air Passenger Bill of Rights, pag-aaralan ng Civil Aeronautics Board

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 2435

Halos hindi mahulugang karayom ang sitwasyon sa terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na makansela ang higit sa isang daang flights dahil sa pagsadsad ng Xiamen aircraft sa international runway ng naia noong Biyernes.

Inulan ng sari-saring batikos at reklamo ang mga airport official at mga airline company matapos na mai-stranded ang libo-libong pasahero. Karamihan sa kanila ay inabot na matinding gutom at pagod habang naghihintay na ma-rebook ang kanilang flight.

Sa airport na rin nagpalipas ng magdamag ang mga pasahero dahil tumagal ng 32 oras bago muling nabuksan ang runway. Ang ilan ay nangutang ng pamasahe matapos na magpa-balik balik sa airport sa pagbabaka-sakali na makabiyahe.

Matapos ang insidente, isang assesment meeting sa mga airline company ang isasagawa ng Civil Aeronautics Board (CAB). Ito’y upang imbestigahan ang sari-saring reklamo ng mga naaberyang pasahero. Muli ring pag-aaralan ng CAB ang posibleng pagrebisa sa Air Passenger Bill of Rights.

Ang CAB ang ahensya ng pamahalaan na nakasasakop sa economic aspect ng mga airline. Nakapaloob sa Air Passenger Bill of Rights ang usapin sa pamasahe, approval ng flight schedule at pangangalaga sa karapatan ng mga pasahero.

Sa ilalim ng Air Passenger Bill of Rights, kapag nakansela ang flight at kasalanan ng airline, may obligasyon ang mga ito na bigyan ang mga pasahero ng libreng pagkain, tawag, text, email at first aid kung kinakailangan.

Dapat ring bigyan ang mga pasahero ng libreng hotel accomodation, at may karapatan ring magpa-rebook, mag-refund ng walang dagdag na babayaran o maari ring i-endorso sa ibang airline na may kaparehong biyahe.

Subalit kung walang kasalanan ang airline sa pagka-kansela o pagka-delay ng flight, maaring lamang i-rebook o i-refund ng mga pasahero ang kanilang mga tiket.

Ayon sa CAB, nagpaliwanag na sa kanila ang mga airline company hinggil sa pagka-delay ng pagpapakain sa mga na-istranded noong Biyernes.

Sakaling mapatunayan na nagkaroon ng kapayabaan ang mga airline company, posibleng patawan ng suspensyon o pagbawi sa license to operate o pagmumultahin ang mga ito.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,