Pangmatagalang solusyon ang nakikita ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabatas ng rice tariffication bill na ngayon ay pinamamadali nito sa Kongreso.
Sa kanyang SONA noong Lunes ay isa ito sa binigyan niya ng diin dahil ito aniya ang magpapababa ng inflation at ng presyo ng bigas.
Magiging mas maluwag na aniya ang pag-aangkat ng bigas kumpara sa quota system ngayon kung saan limitado lamang ang importasyon ng commercial rice.
Ganito rin ang nilalaman ng unang pahayag ng NEDA noong nakaraang Abril kung saan makikinabang din umano ang mga magsasaka dahil mababahaginan umano ang mga ito ng buwis sa mga aangkating bigas.
Tutol naman dito si dating DAR secretary at chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na si Rafael Mariano. Lalo lamang aniyang mahihirapan ang mga magsasaka kapag naging maluwag ang pagpasok ng bigas sa bansa.
Ang sagot aniya sa problema sa bigas ay ang palakasin ang lokal na produksyon nito gaya ng pagbibigay ng mas maraming ayuda sa mga magsasaka.
Ayon naman sa isang grupo ng mga consumer, hindi pa rin pwedeng makatiyak na bababa ang presyo ng bigas kapag naisabatas na ang rice tariffication bill.
Ang gusto aniya ng mga mamimili ay tapatan ng commercial rice ang presyo ng NFA rice na P27 kada kilo.
Ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, bukod sa pagbaba ng presyo ng bigas ay maiiwasan din ang problema sa smugling ng bansa.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: magsasaka, rice tariffication bill, SONA