Pagpopondo sa “Blood Money” para sa mga bibitaying OFW, dapat pag-aralan ng gobyerno ayon kay Senator Chiz Escudero

by Radyo La Verdad | January 13, 2016 (Wednesday) | 1412

BRYAN_ESCUDERO
Hinimok ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang gobyerno na pag-aralan ang posibilidad na pondohan ang “blood money” para isalba ang buhay ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nahaharap sa parusang bitay sa Gitnang Silangan.

Ngunit bago ito gawin ng pamahalaan, sinabi ni Escudero na kinakailangang siguruhin na ito ay ligal sa pamamagitan ng paghingi ng patnubay mula sa Commission on Audit at korte.

Ang pahayag ng senador ay kaugnay sa nakaraang pagbitay sa construction worker na si Joselito Zapanta sa Saudi Arabia noong Disyembre 29 matapos mabigo ang pamahalaan na buuin ang blood money na nagkakahalaga ng isang milyong dolyar, o humigi’t kumulang P47 milyon, kapalit ng kanyang buhay.

Umabot lang sa P23 milyon ang nalikom ng gobyerno para sa 35-anyos na si Zapanta na pinatawan ng kamatayan kaugnay sa pagnanakaw at pagpatay nito sa isang Sudanese noong 2009.

Batay sa kasalukuyang polisiya ng gobyerno, maaari lamang itong lumikom ng boluntaryong kontribusyon sa blood money at hindi ito pwedeng gumamit ng sariling pondo para sa nasabing pamamaraan.

Dapat umanong rebisahin ang patakarang ito dahil sa may 79 na Pilipino pa ang nanganganib na bitayin ayon sa talaan ng Department of Foreign Affairs, at ilan sa mga ito ay nangangailangan ng blood money.

Maliban sa paglikom ng pondo para sa blood money, pinayuhan ni Escudero ang pamahalaan na siguraduhing mabibigyan ng sapat na tulong-ligal ang mga OFW na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa—mula sa simula ng kaso hanggang sa maresolba na ito.

Aniya, tungkulin ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga embahada at konsulado na proteksyunan ang mga Pilipinong nasasangkot sa krimen sa ibang bansa, may sala man ang mga ito o wala.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,