Masyadong gipit sa panahon, ito ang inirereklamo ng mga telephone company sa imbitasyon ng Deparment of Information and Communications Technology para sa papasok na bagong telco player.
Kinuwestyon naman ng ibang telco ang ilalaan na frequency o signal para sa mapipiling third player dahil naubos na ito ng dalawang malaking telco sa bansa.
Gagawin naman ng DICT na mabigyan ng 300 megahertz na frequency ang third player, sapat na daw ito upang makapag serbisyo ng maayos sa publiko
Magkakaroon din ng infrastructure sharing na kung saan pwedeng gumagamit ang third telco sa pasilidad ng Globe at PLDT. Posible ring ilaan ng DICT ang 5g signal sa third player na sa ngayon ay hindi pa masyadong nagagamit ng Globe at PLDT.
Sa February 5 ay magkakaroon ng cabinet meeting sa Malacañang, ito ang pagkakataon upang malaman ng DICT kung papayag si Pangulong Duterte na ma-extend ang kaniyang deadline para sa papasok na bagong telco player sa bansa na itinakda niya sa buwan ng Marso ngayong taon.
Dumalo sa imbitasyon ang mga Filipino telcos, sila ang maghahanap ng kanilang foreign partner upang bumuo sa third telco player
Nakasaad sa batas na kailagan na ang 60% ay pag-aari ng isang Pilipino at 40% lamang ang banyagang kumpanya gaya ng China telecom at iba pa.
Kailangang mayroong lehitimong prangkisa na ibinigay ng Kongreso ang interesadong telco. Hindi na pwede makilahok ang anomang kumpanya na may koneksyon sa PLDT at Globe Telecom.
Ang may pinakamataas na committed investment para sa unang limang taon ang siyang mapipili bilang ikatlong telco player.
Sa tantya ng DICT, limang bilyong dolyar ang kinakailangan upang makapag-operate ang bagong telco player sa bansa.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: DICT, Pangulong Duterte, telco player