Pagpatay sa mayor ng Loreto, Agusan Del Sur at anak nito, kinondena ng Malacanang

by Radyo La Verdad | October 20, 2015 (Tuesday) | 1527

jerico_mayor-dario
Mariing kinondena ng Malacanang ang pagkakapaslang kay Mayor Dario Otaza ng Loreto, Agusan Del Sur ilang oras lamang ang nakalipas mula nang dukutin ito ng pinaniwalaang mga miyembro ng New People’s Army o NPA sa mismong bahay nito sa Brgy. Baan sa Butuan City bandang alas 7 kagabi.

Kasamang dinukot at pinatay ang anak nitong si Daryl, 27 anyos.

Natagpuan ang bangkay ng dalawa na nakagapos at tadtad ng bala alas siyete kaninang umaga sa Purok 2, Brgy. Bitan-agan, Butuan City.

Umaasa ang Malacanang na magkakaisa ang mga mamamayan ng Agusan Del Sur, mga katutubong Manobo at ang Lumad Community para tumulong sa pagkamit pangmatagalang kapayapaan sa lugar.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., pinaigting na ng PNP sa pakikipagtulungan ng AFP ang kanilang operasyon para madakip ang mga suspek sa pagpatay.

Si Otaza ay isang Manobo at Lumad na dating miembro ng NPA na sumuko sa Pamahalaan at nagsilbing tulay para sumuko din ang mahigit sa isangdaang kasamahan nito mula sa rebeldeng grupo.(Jerico Albano/UNTV Radio Correspondent)

Tags: ,