Pagpasok ng tag-araw at epekto ng El Niño sa bansa, nakabuti sa pagbaba ng kaso ng Newcastle disease

by Radyo La Verdad | April 13, 2016 (Wednesday) | 7085

REY_DA
Nakabuti ang pagpasok ng tag-araw at epekto ng El Niño sa bansa sa pagbaba ng kaso ng Newcastle disease.

Ngayong Abril ay nasa 4 pa lamang ang naitatalang kaso kumpara noong Marso na 19 at noong Pebrero naman na 35 kaso.

Mula noong Nobyembre ng nakaraang taon ay mahigit sa 700 libo na ang naapektuhan ng virus na karamihan ay mula sa mga alagang manok sa bakuran.

Ayon sa Bureau of Animal Industry, kayang patayin ng sinag ng araw at tindi ng init ang virus ng Newcastle disease.

Kasalukuyang nararanasan ang epekto ng El Niño sa bansa kasabay ng tag-araw.

Kahapon ay nailata ang 39.3’c sa General Santos City habang sa science garden sa Quezon City din ay naitala naman ang pinakamainit mula noong Enero na umabot sa 36.3’c.

Karamihan ng mga kaso ng Newcastle disease ay naitala sa Northern at Central Luzon.

Babala ng Bureau of Animal Industry, nakahahawa ang virus sa mga tao lalo na’t lumakas pa ang strain nito.

Maaaring itong maging sanhi ng conjunctivitis na ang sintomas ay pamumula ng mata.

Payo naman ng mga otoridad ang publiko na wag nang kainin ang manok na tinamaan ng Newcastle disease kundi ibaon na lamang sa lupa.

Hugasang mabuti ang kamay kung naihawak sa manok ng epektado ng sakit.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,