Nagprotesta sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections ang ilang guro upang kwestyunin ang ginawang pagalis sa kanilang isang slot at ibigay sa ibang partylist group.
Ayon kay Benjo Basas, ang 1st nominee ng Ating Guro, batay sa kanilang kompyutasyon at maging sa unang listahang inilabas ng COMELEC noong umaga ng May 19, kasama ang kanilang partylist group sa mabibigyan ng 1 seat sa House of Representatives matapos makakuha ng mahigit sa 230 libong boto.
Subalit laking gulat umano nila nang hindi makasama ang Ating Guro sa 46 na partylist na iprinoklama ng National Board of Canvassers kinagabihan.
Hindi na sila pinagsalita ng NBOC noong araw na isagawa ang proklamasyon sa halip ay pinagsusumite na lamang ng written manifestation.
Kahapon nagsumite na rin ng petisyon ang grupo na humihiling sa COMELEC na ituwid ang pagkakamali sa kompyutasyon at ibigay sa kanila ang isa sa 59 na upuang nakalaan para sa marginalized sector representation sa kongreso.
Ayon sa grupo naibigay umano ang kanilang slot para sa 2nd seat ng COOP NATCO Partylist.
Ganito rin ang sinapit ng Ating Guro noong 2013 elections kung saan umabot hanggang Korte Suprema ang kanilang apela.
Wala pang tugon sa ngayon ang COMELEC sa apela ng Ating Guro.
(Victor Cosare/UNTV NEWS)