Pagpapatupad ng TRAIN Law at jeepney modernization, iprinotesta ng PISTON at No To Jeepney Phaseout Coalition

by Radyo La Verdad | February 20, 2018 (Tuesday) | 5694

Muling nagtipon-tipon sa Welcome Rotunda kahapon ang grupo ng PISTON at No To Jeepney  Phaseout Coalition upang iprotesta ang Tanggal Bulok, Tanggal Usok campaign na bahagi ng isinusulong na jeepney modernization program ng Department of Transportation.

Bukod sa PUV modernization, tutol rin ang mga ito sa pagpapatupad Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law na aniya’y lalo pa anilang magpapahirap sa maliit na mga jeepney at operator.

Dumipensa naman ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa mga pahayag ni San Mateo at nanindigan na ipinatutupad lamang ng mga traffic law enforcers ang Clean Air Act.

Giit pa ni Atty. Aileen Lizada, ang tagapagsalita ng I-ACT, matagal na panahon na ang ipinagtiis ng libo-libong mga mananakay sa bulok at karagkarag na serbisyo ng mga lumang pampasaherong jeep.

Samantala, muli namang maghahain ng reklamo ang I-ACT laban kay George San Mateo dahil sa makailang ulit nitong pagsasagawa ng mga kilos-protesta laban sa pamahalaan.

Ayon kay Attorney Lizada, nakatakda nilang ihain ang reklamo anomang araw ngayong linggo sa Quezon City Prosecutors Office.

Ito na ang ikalawang reklamo na inihain ng pamahalaan laban kay San Mateo, dahil sa patuloy nitong pagtutol sa PUV modernization program ng gobyerno.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,