Pagpapatuloy sa war on drugs at reporma sa bansa, ipinanawagan ng mga pro-Duterte rallyist

by Radyo La Verdad | September 21, 2017 (Thursday) | 4563

Kasabay ng National day of protest ngayong araw, libo-libong mga taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dumagsa dito sa Plaza Miranda sa Maynila, upang ipakita ang kanilang suporta sa mga programa at pagbabagong isinusulong ng pamahalaan.

Sa taya ng mga organizers, aabot sa 50,000 ang makikiisa sa pro-Duterte rally mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Kasama sa mga dumalo sa pagtitipon si Energy Secretary Alfonso Cusi at OFW Partylist Representative John Bertiz.

Ayon kay SBMA Board member Benny Antiporda na isa sa mga organizer, binuo ang naturang programa upang ipakita ang kanilang suporta at pakikisa sa mga programang isinusulong ng pamahalaan, partikular na ang kampanya kontra iligal na droga.

Nanawagan ito sa mga kritiko ng Pangulo, na sana’y tigilan na pagtuligsa sa administrasyon at sa halip ay makipagtulungan na lamang sa pamahalaan upang makamit ang tunay na pagbabago.

Sa gitna ng matinding init, buong pwersa pa ring nakiisa sa programa ang mga masugid na taga suporta ng Pangulo. Naghandog naman ng ilang performances at nagpahayag ng kanilang mensahe ng pagsuporta ang iba pang mga personalidad na dumalo sa pro-Duterte rally.

Samantala, naglagay rin ang mga organizers ng Presidential Complaint Desk, kung saan maaring dumulog ang sinoman na may hinaing o nais na ipaabot sa pamahalaan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,