Pagpapatuloy sa pagpapatayo ng barangay health stations, nakadepende sa resulta ng imbestigasyon ng COA – Sec. Duque

by Radyo La Verdad | June 29, 2018 (Friday) | 2982

Hindi pa makapagdesisyon ang Department of Health (DOH) kung itutuloy pa ang kontrata sa J-Bros para sa pagtatayo ng barangay health stations (BHS) sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Health Secreatary Francisco Duque III, hihintayin muna nila ang resulta ng imbestigasyon ng Commission on Audit (COA) at Office of the Ombudsman.

Aminado naman ang kalihim na may pagkukulang ang pamahalaan sa paghahanap ng lugar na pagtatayuan ng BHS units partikular sa mga elementary schools sa bansa.

Subalit naghahabol naman ngayon sa Construction Industry Arbitration Commission (CIAC) ang J-Bros para mabayaran sila ng DOH para sa mga naitayo ng BHS units.

Ayon sa board of director for operations ng kumpanya na si Attorney Julieanne Jorge, nasa 250 units na ng BHS ang kanilang natatapos at dapat ay mabayaran na sila ng P1.6B, subalit kinukwestyon ito ng DOH.

Nakahanda naman ang J-Bros na ituloy pa rin ang phase 2 ng proyekto kung babawiin ng DOH ang suspensyon sa konstruksyon nito.

Mahigit sa 8 bilyong piso ang inilaang pondo para sa pagtatayo ng 5,700 units ng BHS sa buong bansa na inaprubahan noon pang 2015 sa panahon ni dating Sec. Janet Garin.

Ayon kay Secretary Duque, maganda sana ang programa dahil ito ang pupuno sa mga pagkukulang sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan lalo na sa mga liblib o malalayong lugar sa bansa, pero itinigil ito dahil sa ilang anomalya.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,