DOH, naninindigang walang nasayang na pera sa COVID-19 funds

by Erika Endraca | August 17, 2021 (Tuesday) | 6833

METRO MANILA – Ipinagpaliban ng Department of Health (DOH) ang pagbili ng high-end laptops na nagkakahalaga ng P700,000.

Batay sa isang request ng DOH, bawat high end 2-in-1 laptop with accessories ay nagkakahalaga ng P125,000

Plano ng kagawaran na gamitin ang mga ito para sa kanilang knowlegde management and information technology.

Ngunit ayon kay Usec. Leopoldo Vega, Chief ng Administration and Financial Management Team ng DOH, pansamantalang nakabinbin ngayon ang naturang procurement.

“However to date the procurement process was put on hold pending the result of the further market study and prevailing market price for these laptops” ani Treatment Czar Usec. Leopoldo Vega.

Kinumpirma ng opisyal ang pagpapatigil sa laptop procurement kasunod ng COA Report na may deficiency sa paggamit ng P67-billion COVID-19 funds ng DOH.

Kaugnay nito, naninindigan ang DOH na hindi nasayang at hindi rin ginamit sa korupsyon ang naturang pondo.

“Mga kababayan hindi po ito nasayang due to enactment of continuing appropriations of Bayanihan 2 funds. Hindi rin po ito nasayang because those procurement and other covid related activities which were not accomplished last year due to varying factors were done in the first semester of the current year. These includes procurement of vaccines, whose negotiation, did not proceed in the later part of year 2020” ani DOH/ Treatment Czar Usec. Leopoldo Vega.

Sa isinumiteng sagot ng DOH kaugnay sa COA report, sinabi nito na nagbigay na sila ng direktiba sa mga concerned operating units na kaagad na isumite ang kompletong dokumento ng mga ito para sa liquidation ng p98m na cash advances at petty cash funds.

Sinagot din ng DOH kung saan napunta ang P11.8 billion unobligated allotments mula sa Bayanihan 1&2.

Depensa pa ng DOH, hindi korupsyon kundi ito ay isyu lamang ng kakulangan sa dokumentong magpapatunay kung saan nagamit ang mga pondo.

Kumpiyansa ang DOH na maisusumite nila lahat ng hinanahanap ng coa hanggang sa buwan ng Setyembre.

“Compliance is ongoing and some of these has already been resolved as presented all the deficiencies are really all compliance issues” ani DOH/ Treatment Czar Usec. Leopoldo Vega.

“Ang pagsusuri po ng COA ay bahagi lamang ng normal na proseso ng checks and balances ng ating gobyerno. Ito po ay ginagawa taon- taon ay lahat po ng opisina ng gobyerno ay binibigyan ng ganitong obserbasyon. Handa po ang DOH na sagutin at ipaliwang ang mga resulta ng pagsusuri na ito at isumite ang mga dokumentong kailangan ng Commission on Audit” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Kapag naisumite na ng DOH ang mga kinakailangang dokumento, muling sasailalim ito sa pagsusuri at saka ilalabas ng COA ang consolidated annual report sa paggastos ng kagawaran.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,