METRO MANILA – Sinimulan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang implementasyon ng phase 1 ng national broadband project kung saan mayroong 2 terabits na bandwidth mula sa isang social media company ang ibibigay sa Pilipinas.
Dadaan ito sa Baler, Aurora at ikokonekta sa iba’t-ibang nodes ng DICT at NGCP.
Nasa P1-B pondo ang inilaan ng DICT para maipatayo ang mga kinakailangan imprastraktura para dito.
Unang mabebenepisyuhan sa phase 1 ang government offices at ilang lalawigan sa luzon kabilang na ang Metro Manila.
Sa phase 2 naman target ng DICT na malagyan ng internet connection ang buong bansa. P17B budget ang kakailanganin para dito sa taong 2021.
Kabilang sa paglalaanan ng pondo ay ang pagpapatayo ng digital infrastructures katulad ng isang digital highway.
“Kasi para din itong kalsada. So kung may highway, meron din tayong digital highway. So kung marami at mas maganda ang daanan siyempre mas makakarating tayo ng mas mabilis sa ating destinasyon.”ani DICT Deputy Spokesperson, Atty. Adrian Echaus.
Samantala, malaking tulong din aniya ang common tower policy na pinirmahan noong Mayo para makahikayat ang mga independent tower companies na magtayo ng mga tore na pwedeng pagkabitan na lamang ng mga Telco ng kanilang internet connectivity.
“So makakatipid sila. Magkakaroon ng mas malaking pagkakataon na ituon nila ang budget nila sa service quality and coverage improvements.” ani DICT Deputy Spokesperson, Atty. Adrian Echaus.
Ayon naman kay Marikina Representative Ruffy Biazon, tinututukan na rin ngayon ng kamara ang 3 inihaing panukalang batas na may kinalaman sa pagpapunlad ng internet service sa bansa.
“Malaki pa ang kailangang iangat nung serbisyo at hindi nangyayari even in a martket, free market driven scenario. So yung panukalang batas itinutulak na itaas yung minimum service na ibibigay ng mga isps at mga telcos.”ani Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon.
(Vincent Arboleda | UNTV News)
Tags: DICT, National Broadband Project