METRO MANILA, Philippines – Naihanda na ng Sumitomo Mitsubishi Heavy Imdustries ang mga gamit at makinaryang kakailangan sa pagpapalit ng mga bagong riles sa linya ng MRT-3 na sisimulan sa susunod na buwan.
Sa mga larawang kuha ng MRT-management makikita ang mga equipment na gagamitin sa pagwe-welding at paglalatag ng mga bagong riles sa MRT-3.
Ayon sa pamunuan ng MRT, 10 piraso ng riles ang hihinangin at pagdudugtong-dugtungin hanggang sa mabuo ang 180-meters na haba ng riles sa magkabilang dulo ng istasyon.
Planong isagawa ang pagpapalit ng riles mula alas-12 ng hating gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, dagdag pa dito ang 7 araw na shutdown sa long holiday sa Marso sa susunod na taon. Ito’y upang hindi makaapekto sa biyahe ng mga tren ang gagawing rail replacement.
Sa isang pahayag sinabi ng MRt management na malaking tulong ang rail replacement upang maiwasan na ang pagkakatatag ng mga tren na kadalasang dahilan ng aberya sa biyahe.
Sa oras na matapos ang proyekto, pabibilisin pa ang andar ng mrt sa 60 Kilometer Per Hour (KPH) mula sa kasalukyang 30KPH na takbo ng mga tren.
Inaasahang makatutulong rin ang rail replacement upang mapatakbo na sa linya ng MRT-3 ang kontroberysal na dalian trains na binili ng pamahalaan mula sa China. Nauna nang naging isyu ang compatibility ng dalian trains sa riles ng MRT-3, dahilan kung bakit hindi ito makabiyahe.
Noong nakaraang Huwebes bumiyahe na sa linya ng MRT ang isang set ng Dalian Train na ayon sa management ay naging maayos naman ang operasyon. Inaasahang matatapos ang rail replacement sa July 2021, na bahagi lamang ng MRT-3 rehabilitation project ng pamahalaan.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: Dalian trains, MRT 3