MRT hindi magpapatupad ng extended operating hours Ngayong Holiday Season

by Erika Endraca | October 23, 2019 (Wednesday) | 7726

METRO MANILA, Philippines – Hindi magpapatupad ng extended operating hours ang Department of Transportation (DOTr) sa biyahe ng MRT ngayong holiday season.

Ayon sa DOTr mas prayoridad nila sa ngayon ang gagawing pagpapalit ng mga bagong riles sa linya ng MRT na magsisimula sa susunod na buwan. Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa sa mga pasahero ang MRT management.

“Ngayon ang hinihingi namin sa mananakay at sa publiko ay ang buong supporta at pagintindi habang patuloy ang malawakang rehabilitation ng MRT line upang maisakatuparan nating maibabalik yung kalidad ng MRT-3, pansamantalang sakripisyo lamang po para sa pang matagalang kaginhawahan” ani DOTr-MRT 3, Director Michael Capati.

Uumpisahan ang rail replacement sa November 4 na gagawin tuwing alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw. Ito’y upang tiyakin na hindi ma-aapektuhan ang normal na biyahe ng mga tren. Sa oras na matapos ang pagpapalit ng mga bagong riles maiiwasan ang pagkakatagtag ng mga tren na siyang pangkaraniwang sanhi ng aberya.

Mas mapapabilis rin anila ang takbo ng mga tren, kung saan itatas ang speed limit nito sa 60 Kilometer Per Hour (KPH)  mula sa kasalukuyang 30KPH. Ang rail replacement ay bahagi lamang ng MRT-3 rehabilitation project na ina-asahang matatapos sa July 2021.

At dahil walang adjustment, mananatili ang dating operating hours ng MRT, kung saan ang unang biyahe ay 4:59 AM hanggang 9:10 PM para sa mga sumasakay sa north avenue station,habang 5:50 AM to 10:10 PM naman sa Taft Station. Samantala wala namang nakikitang problema ang ilang pasahero ng MRT kung hindi muna ipapatupad ang mas mahabang oras sa biyahe ng mga tren.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: