Pagpapaliban sa kumpirmasyon ng appointees ni Pangulong Aquino, tanggap ng Malacañang

by Radyo La Verdad | February 5, 2016 (Friday) | 1320

PNOY
Tanggap ng Malakanyang ang pagpapaliban ng Commission on Appointments (CA) sa kumpirmasyon ng 5 ambassadors at mga commissioner ng Civil Service Commission at Commission on Audit na itinalaga ni Pangulong Aquino.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., iginagalang nila ang panuntunan ng komisyon na magpasya kaugnay sa naturang usapin.

“We note that the rules of the Commission on Appointments (CA) allow it’s members to exercise certain prerogatives in connection with the confirmation of presidential appointees.” Ani Coloma.

Samantala, umaasa naman ang Malakanyang na gagamitin ng C-A ang kanilang karapatan sa makatwirang pamamaraan at walang anumang bahid ng pamumulitika.

“We hope that this prerogative is exercised judiciously and without any political motive.” Ani Coloma.

Una nang naantala ang pagtalaga sa mga appointees ng pangulo matapos harangin ni Sen.Juan Ponce Enrile ang appointment ng mga ito sa Senado.

Ginamit ni Enrile ang section 20 ng rules ng C-A kung saan nakasaad na kailangang aprubahan ng chairman ang mosyon ng isang miyembro ng C-A na sumususpinde sa kumpirmasyon ng isang government o career officials.

Una nang iginiit ni Enrile na hindi dapat aniya mapagkaitan ang susunod na pangulo na pumili ng kaniyang kinatawan sa ibang bansa.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,