Pagpapalaya sa mga heinous crimes convict, hindi dapat isisi sa IRR ng GCTA law – Mar Roxas

by Radyo La Verdad | September 12, 2019 (Thursday) | 9643

Sa gitna ng maiinit na kontrobersiya sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance o GCTA law, pumalag si dating Department of the Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at si Senator Leila de Lima sa pagkakadawit ng kanilang mga pangalan sa isyu.

Sina Roxas at de Lima ay kabilang sa mga bumalangkas sa Implementing Rules and Regulations ng GCTA law. Pinagpapaliwanag ng Ombusdman ang Dalawa kung bakit hindi malinaw sa IRR na hindi kasali ang mga convicted sa heinous crimes sa maaaring maging benepisyaryo ng GCTA. Pero nanindigan si Roxas na hindi dapat isisi sa IRR ang maling pagpapatupad ng batas.

Sa kanyang tweet, sinabi nito na ang mga opisyal na nag-apruba ng release order ang dapat na kwestiyunin at hindi sila na sumulat ng IRR. Aniya halatang gusto na namang ibaling at isisi sa iba ang kontrobersiya sa GCTA. Pero handa umano siyang harapin ang gagawing imbestigasyon ng Ombudsman.

Duda rin si Senator de Lima sa pagkakadawit ng kanilang pangalan sa kontrobersiya gayong wala naman umano silang kinalaman dito.

Para sa Senadora, mas dapat na kwestiyunin kung sinusunod ba ng tama ng mga opisyal ng Bureau of Corrections ang batayan kung sino ang karapatdapat na mapalaya dahil sa good conduct.

Binibigyan ng 3 araw sina de Lima at Roxas upang sagutin ang order ng Ombudsman.

Isang fact-finding investigation naman ang binuksan ng ombudsman hinggil sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng GCTA law.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,