Extension ng pamamahagi ng bayad-pinsala sa mga biktima ng martial law, dinirinig sa Kamara

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 4024

Dinirinig ngayon sa mababang kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na humihiling na palawigin pa ang pamamahagi ng bayad-pinsala sa mga biktima ng martial law.

Ayon sa Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), nasa 800 milyong piso pa ang hindi naipamamahagi ng Human Rights Victims’ Claims Board mula sa sampung bilyong pisong kabuoang bayad pinsala sa kanila. Nangangamba ang SELDA dahil mawawalan na umano ng bisa ang mga tseke sa ika-7 ng Agosto na naglalaman ng kanilang claims.

Ayon sa SELDA, nasa 600 pa mula sa mahigit labing isang libong biktima ng martial law ang hindi pa nakakakuha ng kanilang claims.  Ang ilan sa mga dahilan ay ang pag-aayos ng iba pang kailangan dokumento para makatanggap ng tseke. Kung hindi anila mapapalawig ang bisa ng mga tseke ay babalik ang pondo sa treasury o kaban ng gobyerno.

Samantala, nauna nang sinabi ng Malacañang na pinag-aaralan na nito kung maglalabas na lamang ng executive order upang ma extend ang validity ng tseke ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng martial law.

 

Tags: , ,