Sa December 31, 2017 ang deadline ng idineklarang martial law sa Mindanao, ito ay upang mapuksa ang mga banta sa seguridad tulad ng terorismo at insurgency.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ibabatay niya ang kaniyang desisyong palawigin pa o hindi na ang batas militar sa buong Mindanao sa rekomendasyong ibibigay sa kaniya ng militar at pulisya.
Una nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines na puspusan ang ginagawa nilang pagtugis sa mga local network ng mga terorista lalo na sa mga lugar ng Maguindanao, Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi kung saan nangangalong ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Abu Sayyaf Group at iba pa.
Ayon sa pahayag na inilabas ng tagapag salita ng AFP na si Major General Restituto Padilla Jr., layon nilang mapahina o tuluyan nang mapuksa ang mga terorista upang hindi na maging banta ang mga ito sa seguridad ng bansa.
Bago matapos ang taon ay magbibigay sila ng assessment kung dapat na bang i-lift o i-extend pa ang martial law sa Mindanao upang resolbahin ang mga natitirang security threat.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Pangulong Duterte ang mga tauhan ng militar na inaakusahan ng looting sa kasagsagan ng krisis sa Marawi City at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: martial law., Mindanao, Pres. Duterte