Sinalubong ng mainit na pagtanggap ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang isinagawang bilateral meeting kahapon sa Kuala Lumpur.
Sa pahayag na inilabas ng Malacañang, nagkasundo anila si Pangulong Duterte at Prime Minister Mohamad na muling buhayin at lalo pang patatagin ang magandang relasyon at matagal na pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Sumang-ayon ang dalawang lider na lalo pang palakasin ang kanilang defense at security cooperation upang labanan ang terrorismo hindi lamang sa Pilipinas at Malaysia kundi maging sa iba pang mga bansa sa South East Asia.
Binigyan-diin rin ng mga ito sa kanilang pagpupulong ang anila’y pagresolba sa violent extremism sa buong rehiyon.
Gayundin ang pagsupil sa mga krimen tulad ng pagnanakaw, pamimirata sa karagatan at maging ang paglaganap ng iligal na droga.
Bukas rin ang dalawang bansa na paigtingin ang pagpapatrolya sa territorial waters ng Pilipinas at ng Malaysia upang mapigilan ang aktibidad ng mga terorista sa lugar.
Bahagi naman ng kanilang mga napag-usapan ang mga isusulong na hakbang upang lalo pang pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas at Malaysia.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Duterte ang pinuno ng Malaysia dahil sa patuloy nitong pagsuporta sa pagsusulong ng pang matagalang kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.
Matapos ang isang oras na pagpupulong, agad ring bumiyahe pabalik ng Pilipinas si Pangulong Duterte kasama ang kanyang delegasyon baon ang mga bagong kasunduan na inaasahang lalo pang makapagpapatatag sa ugnayan ng dalawang bansa.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: bilateral meeting, Pres. Duterte, Prime Minister Mohamad