Pagpapaigting ng health protocols, inirekomenda ng grupo ng mga eksperto sa 9 LGU na high risk sa Covid-19

by Erika Endraca | November 20, 2020 (Friday) | 1095

METRO MANILA – Batay sa pag-aaral ng UP Octa Research ng datos, lumalabas na mataas ang banta ng Covid-19 transmission sa 9 na Local Government Units (LGU).

Kabilang sa mga tinukoy ng grupo na high risk sa Covid-19 ay ang Baguio City, Davao City at Makati; gayundin ang munisipalidad ng La Trinidad at Itogon sa Benguet, Batangas City, Lucena City, bayan ng Lopez sa Quezon Province, at Pagadian City sa Zamboanga Del Sur.

“Mataas ‘yung several indicators nila. They have a lot of cases. They have high attack rate which means yung case is relative to the population is also high. So, ibig sabihin, mataas yung risk of infection in those areas and also ‘yung hospital occupancy nila is very high.” ani Octa Research Fellow, Guido David, Ph.D.

Ayon sa octa research, hotspots of serious concerns ang mga syudad ng Baguio at Davao dahil sa lubhang matataas na kaso ng Covid-19.

Naapektuhan na nito ang mga karatig na lugar gaya ng itogon at La Trinidad na kasunod lang ng Baguio, habang naapektuhan naman ang Pagadian City na kalapit lang ng Davao City. Sa kabila nito, patuloy naman ang pagbaba ng mga datos sa mga nasabing lugar.

Ngunit upang lalong mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa high risk areas, inirerekomenda ng grupo na palakasin pa ang kanilang testing, contact tracing at isolation measures.

Binigyang diin din nito ang pagpapaigting sa pagpapatupad ng minimimum health standards.

“Maybe stricter adherence to health standards, yung wearing of face mask, face shield and the personal hygiene. Those are always important. Yun ang actually pinaka-important eh.” ani Octa Research Fellow, Guido David, Ph.D.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: