Pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait, tuluyan nang ipinagbawal ng DOLE

by Radyo La Verdad | February 12, 2018 (Monday) | 2296

Naglabas na ng kautusan ang Department of Labor and Employment na tuluyang nagbabawal sa deployment ng mga Overseas Filipino Worker  sa Kuwait.

Bilang tugon ito sa utos ng Pangulo na ipagbawal na ang pagpapadala ng mga manggagawa doon dahil sa kawalan ng aksyon ng pamahalaan ng Kuwait sa kaso ng mga minamaltratong OFW.

Sakop ng kautusan hindi lamang mga domestic helper, kundi maging mga skilled workers. Papayagan namang makabalik ang mga OFW na nagbabakasyon lamang sa Pilipinas, pero ito ay sa kondisyon na maayos ang kanilang pinagtatrabahuan doon.

Bubuo rin ng task force ang DOLE na mangangasiwa sa pagpapauwi sa may dalawang libo, limandaang OFW mula sa Kuwait. Target silang maibalik hanggang sa Miyerkules.

Wala umanong dapat ikabahala ang mga pinauwing manggagawa dahil may trabahong naghihintay sa Pilipinas. Katunayan, magsasagawa ng job fair ang DOLE sa Middle East para sa mga gusto nang bumalik ng bansa.

Ayon sa POEA, may trabaho ring naghihintay sa mga skilled workers sa ibang mga bansa gaya ng New Zealand, Germany, Canada at iba pang mga bansa sa Europa.

May kasunduan na rin sa Japan sa pagpapadala ng mga skilled workers doon. Bukod sa malilipatang trabaho, may mga ayuda ring ibibigay ang OWWA sa mga pinauwing manggagawa. Kasama rito ang 20,000 na livelihood assistance at 5,000 pisong tulong pinansiyal.

Bagamat ikinalungkot ng mga recruitment agency ang deployment ban, suportado pa rin nila ito lalo na kung dahil dito ay mas mabibigyan ng proteksyon ang mga manggagawang Pilipino.

Laking panghihinayang naman ng ilang OFW na paalis na sana patungong Kuwait.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,