Pagpapaalis sa barko ng Philippine Navy sa Scarborough Shoal, hindi totoo – AFP

by Radyo La Verdad | October 11, 2023 (Wednesday) | 2030

METRO MANILA – Itinanggi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Romeo Brawner Jr. kahapon (October 10) ang ulat ng China Coast Guard (CCG) na pinaalis nito ang isang barko ng Philippine Navy sa paligid ng Scarborough Shoal.

Ayon sa opisyal, propaganda at walang katotohanan ang mga sinabi ng China at kung mayroon mang barko ang Pilipinas doon, tiniyak nito na hindi ito mapaaalis.

Hindi aniya papayag ang AFP na ipaalis ang sariling barko sa Exclusive Economic Zone (EEZ) dahil obligasyon at karapatan ng bansa na tiyakin na makapangingisda ang ating mga mangingisda sa ating EEZ.

Dagdag pa nito, wala ngayong barko ng Philippine Navy sa Scarborough Shoal at lumabas sa isinagawang beripikasyon ng AFP bilang tugon sa ulat ng CCG mula umaga nitong Martes (October 10) na negatibo ang naturang alegasyon.

Nauna rito, sinabi ng China’s Coast Guard kahapon (October 10) na kanilang tinutukan ang isang Philippine Navy Vessel matapos nitong pasukin ang mga karagatan sa paligid ng Scarborough Shoal sa South China Sea.

Ginawa anila ang ‘kinakailangang hakbang’ tulad ng pilitin ang barko na umalis at kontrolin ang ruta nito matapos diumano’y hindi sundin ang paulit-ulit na babala mula sa panig ng China.

Tags: , ,