Paglobo ng financial assistance para sa mga LGU, hindi dumaan sa konsultasyon sa DBM

by Radyo La Verdad | December 6, 2018 (Thursday) | 12426

Ipinagpatuloy sa Senado ang pagbusisi sa 3.75 trillion peso-2019 proposed budget.

Pinuna ni Senator Panfilo Lacson ang probisyon ukol sa ibinibigay na tulong pinansyal sa mga local government unit (LGU). Kung saan mula sa orihinal na panukala ng administrasyon na 7 bilyong piso ay bigla itong lumobo sa 16 bilyong piso na bersyon ng Kamara at maging sa committee report ng Senado.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Senator Loren Legarda, hindi ito dumaan sa konsultasyon ng Department of Budget and Management (DBM).

Ang DBM ang siya umanong nangangasiwa sa financial assistance fund para sa mga local government unit (LGU).

Ginagamit ang pondong ito bilang suporta sa mga LGU para sa kanilang mga proyekto at programa.

Kabilang na ang tulong sa mga mararalitang pamilya sa pagpapagamot, pagpapalibing, pagkain at cash for work at tulong sa pagpapa-aral, pagbili ng ambulansya, mini dump trucks at firetrucks.

Maaari din itong magamit para sa rehabilitasyon at pagsasa-ayos ng mga kalsada, tulay, palengke, evacuation centers at sport facilities.

Ayon kay Senator Legarda, hindi naman maaaring masamantala ito ng mga pulitiko, lalo na at papalapit na ang eleksyon.

Mahigpit rin aniya ang DBM sa paghingi ng requirements sa mga LGU upang mailabas ang naturang pondo.

Sa kabila nito, isusulong ni Senator Lacson na maibalik sa 7 bilyong piso ang assistance fund na ito na dumaan na umano sa pag-aaral ng administrasyon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,