Paglilitis sa Maute cases, ipinalilipat ng Supreme Court sa Taguig RTC

by Radyo La Verdad | July 19, 2017 (Wednesday) | 3027


Pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na ilipat sa Taguig City ang paglilitis sa mga nahuling miyembro ng Maute-ISIS.

Kasong rebelyon ang kinakaharap ng mga ito kaugnay ng pag-atake sa Marawi City.

Sa kanyang sulat kay Chief Justice Maria lourdes Sereno, sinabi ni Aguirre na may panganib sa kaligtasan ng mga huwes at piskal kung sa Cagayan de Oro City lilitisin ang mga akusado.

Iniutos din ng SC na ilipat ang mga akusado sa Special Intensive Care Area o SICA sa loob ng Camp Bagong Diwa mula sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City.

Magbibigay din ng direktiba ang korte sa BJMP upang mapabilis ang paglilipat sa mga nahuling myembro ng Maute-ISIS.

Ayon kay Sec. Aguirre, malaking bagay ito dahil hindi na nila magiging problema ang pagkukulungan sa mga akusado at ang lugar na pagdarausan ng inquest at preliminary investigation.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,