Paglilitis sa 88 akusado sa Mamasapano cases, hindi pa rin nasisimulan

by Radyo La Verdad | January 26, 2018 (Friday) | 11080

Malabo pa ring makamit ang hustisya para sa 44 na SAF troopers na napatay sa operasyon sa Mamasapano, eksaktong tatlong na ang nakalipas.

Bagamat napatay sa operasyon ang teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan, nagbuwis naman ng buhay ang mga tauhan ng SAF.

March 2016, 88 ang kinasuhan ng direct assault with murder dahil sa pagkamatay ng tatlumpu’t limang tauhan ng SAF sa maisan ng brgy. Tukanalipao. Kabilang dito ang limang kumander ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Enero nitong nakaraang taon, iniutos ng Regional Trial Court ng Shariff Aguak, Maguindanao ang pag-aresto sa mga akusado. Pero hanggang ngayon, wala pa ring nahuhuli isa man sa mga ito.

Batay sa ulat na inilabas ng Department of Justice, hindi pa rin nasisimulan ang paglilitis dahil sa mosyon ng mga akusado na i-dismiss ang mga kaso at bawiin ang arrest order laban sa kanila.

Sa kabila nito, tiniyak ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na patuloy ang pagsisikap ng DOJ na mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Hiniling na rin ng DOJ na ilipat na lamang sa maynila ang paglilitis sa mga kaso.

Enero nitong nakaraang taon sumulat sila kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pero wala pang desisyon ang Korte Suprema hanggang ngayon.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,