Paglilipat sa mga residenteng naapektuhan ni Yolanda noong 2013, posibleng matapos sa 2019 – NHA

by Radyo La Verdad | November 8, 2017 (Wednesday) | 5137

Mahigit sa 26 na libong units na ng bahay ang napatitirahan ng National Housing Authority o NHA sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda, ito’y sa kabila ng 40% na mahigit sa 200 libong pabahay ang natatapos itayo.

Ayon sa mga opisyal ng NHA, natatagalan sila sa pagbibigay ng listahan ng mga benepisyaryo mula sa local government units.

Hindi pa kasama dito ang oras na gugugulin para naman maberipika ang kung lehitimo ang mga benepisyaryo.

Ngayong araw ang ika-4 na taon mula nang manalasa ang bagyong Yolanda sa bansa noong taong 2013. Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, mahigit sa 1 milyong bahay ang nasira habang mahigit sa kalahati nito ay tuluyan nang nawasak at nangangailangan ng reconstruction.

Taong 2014 nang mag-umpisang magpatayo ng mga pabahay ang NHA subalit nagkakaroon anila ng problema na nagpapabagal sa proseso.

Tumatagal din anila sa bidding process dahil kakaunti o minsan ay walang sumasali.

Ayon naman sa Community of Yolanda Survivors and Partners, mahinang klase ang mga materyales na ginamit sa mga pabahay.

Tiniyak naman ng NHA na hindi substandard ang mga bahay kapag papatirahan na ito. Ang natagpuan nila anilang isang unit na ginamitan ng 8mm na bakal ay hindi ipagagamit. Kapag tiyak na may lilipat na, at saka kukumpletuhin ang iba pang parte ng bahay.

Ayon sa NHA, kung hindi na magkakaroon ng mga aberya sa mga susunod na buwan ay posibleng bago matapos ang 2019 ay malipatan na ang lahat ng mga units.

Tiniyak naman ng Malakanyang na tinututukan ng Pangulo ang pagbibigay ng pabahay sa mga nasalantang residente na matagal nang  naghihintay.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,