Paglilipat-lipat ng partido ng mga pulitiko, planong ipagbawal sa ilalim ng bagong saligang-batas

by Radyo La Verdad | April 27, 2018 (Friday) | 2344

Naging kalakaran na sa mga pulitiko ang party-switching o paglilipat-lipat ng partido bago at pagkatapos ng halalan. Hindi ito bawal sa ilalim ng 1987 Constitution kayat malaya ang mga pulitikong magpaiba-iba ng partido.

Ayon sa political scientist at member ng Consultative Committee (ConCom) na si Dean Julio Teehankee, nangyayari ito dahil mahina ang political party system sa bansa. Mismong ilang senador at kongresista na aniya ang nag-aalala sa ganitong sitwasyon.

Kaya naman isinusulong ngayon sa ConCom na ipagbawal na ang party-switching.

Sa ilalim ng panukala, bawal na sa isang elected official na lumipat ng partido sa buong panahon ng kanyang termino. Bawal din sa mga opisyal ng partido at sa mga talunang kandidato na magpalit ng partido dalawang taon bago o matapos ang halalan.

Pwedeng makansela ang rehistro ng partido na tatanggapin sa mga lipat-bakod na pulitiko.

Ang mga pulitikong lalabag dito, tatanggalin sa pwesto at pagbabawalang tumakbo sa susunod na halalan.

Bawal din silang i-appoint sa gobyerno at dapat ibalik nila ang nagastos ng partido sa kanilang kampanya.

Pero ayon kay Teehankee, hindi tuluyang ipagbabawal sa isang pulitiko na lumipat ng partido, ngunit hindi muna siya makakasali sa halalan sa loob ng apat na taon.

Hindi rin bawal na magkaroon ng koalisyon ang mga partido at hindi ito ituturing na party-switching.

Sa darating na Martes, pagbobotohon ng ConCom kung isasama ang panukalang probisyon sa bagong saligang-batas.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,