Pagkuha ng Philippine ID, hindi mandatory – PSA

by Radyo La Verdad | August 9, 2018 (Thursday) | 2641

Ang Philippine ID ang pinaniniwalang makakapagpabilis ng pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan lalo na sa pinakamahihirap na sektor sa bansa.

Bagaman binigyang-diin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na hindi mandatory ang pagkuha ng nito, sinabi ng ahensya na ang wala nito ay mahihirapang maka-access sa government services at transactions.

Libreng ipagkakaloob ng pamahalaan ang Phil. ID at tanging birth certificate ang requirement sa pagkakaroon nito.

Ayon sa PSA, target na maipatupad ito simula ngayong taon at ang pinakamahirap na sektor sa bansa ang unang prayoridad na mabigyan ng Phil. ID sa loob ng isa hanggang dalawang taon.

Oras na magsimula sa pagpapatupad, maaari nang pagkalooban ng Phil. ID ang isang bagong panganak na sanggol kapag nairehistro, i-update ito pag tungtong ng 5 taong gulang at 15 o 18 taong gulang.

Maaari ring mag-renew ng Phil. ID para i-update ang personal information.

Demographics at biometrics ang kinakailangang impormasyon sa Phil. ID at ang psa ang mangangalaga at may access sa data na ito.

Ngayong taon, 2 bilyong piso ang nakalaang pondo sa PSA sa pagpapatupad nito, samantalang 2.1 biyong piso naman para sa taong 2019.

Sa kabuuan, 30 bilyong piso ang tinatayang magagastos ng pamahalaan para mabigyan ng Phil. ID ang lagpas isang daang milyong populasyon sa bansa sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,