Pagkuha ng building permits at certificates of occupancy, tatagal na lamang ng 10 araw

by Radyo La Verdad | November 30, 2017 (Thursday) | 2430

Pumirma ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government sa isang joint memorandum circular upang pabilisin ang pagproseso sa building permits at certificates of occupancy.

Kasama rito ang Department of Public Works and Highways, Department of Information and Communications Technology at Department of Trade and Industry katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Kaya matapos ang ilang buwang mga pagpupulong, napagkasunduan na ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ang pagbuo sa mas maikli at mabilis na proseso sa pagkuha ng building permits at certificate of occupancy.

Alinsunod ito sa tagubilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing epektibo at mabilis ang serbisyo para sa mga mamamayan ng mga ahensya ng pamahalaan.

Magkakaroon na rin ng one-stop shop ng mga kinakailangang ahensya ng pamahalaan sa mga munisipyo at city hall upang di na mahirapan ang mga kliyente na magpunta sa iba’t-ibang lugar para lamang kumuha ng building permit.

Ayon naman sa isang kinatawan ng pribadong sektor, ang inaalala nila ay ang implementasyon sa pagpapatupad ng direktiba. Kaya naman handa ang DILG na magpataw ng karampatang parusa sa mga lokal na pamahalaang hindi susunod sa napagkasunduan.

Balak namang maipatupad ang streamlining sa pagkuha ng building permit at certificate of occupant, oras na matapos ang mga panuntunan hinggil dito sa susunod na buwan o sa January 2018.

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,