Pagkapanalo ni Catriona Gray sa Miss Universe 2018, magpapaigting sa women empowerment sa bansa- Malacañang

by Radyo La Verdad | December 17, 2018 (Monday) | 20424

Binati ng Malacañang si Catriona Gray sa pagkakapanalo nito sa Miss Universe 2018 sa Bangkok, Thailand.

Sa isang statement, ipinahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dahil sa tagumpay ni Gray, naipakita sa buong mundo na ang mga Pilipina ay may kakayahang makamit ang mga pangarap sa buhay sa pamamagitan ng matinding pagnanasa, pagsisikap, determinasyon at hard work.

Dagdag pa nito, ang pagkapanalo rin ni Gray ay nangangahulugan ng mas mataas na antas ng women empowerment sa bansa at pakikipaglaban sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa buong mundo.

Ginawa ring proud ni Gray ang buong Pilipinas dahil sa taglay nitong kumpiyansa, kagandahan, talino at lakas sa pagharap sa mahihirap na hamon upang manalo sa naturang patimpalak. Saludo at hinahangaan ng Duterte administration si Gray.

Samantala, proud din si Vice President Leni Robredo sa kapwa Bicolanang si Gray dahil sa pagbibigay-diin nito sa kapakanan ng mga mahihirap at pagbibigay ng pag-asa para sa lahat.

Nagkaisa rin ang iba pang pulitiko sa pagbati at pasasalamat kay Catriona Gray dahil sa pagbibigay nito ng karangalan sa bansa.

Ayon kay Senator Cynthia Villar, nagawa ni Catriona na mag-iwan ng makabuluhang mensahe na paggawa ng paraan upang makatulong sa kapwa sa kabila ng mahirap na sitwasyon.

Ayon naman kay Bataan District One Representative Geraldine Roman, magiging magaling na kinatawan ng peace, love at compassion si Gray sa international community.

Bukod sa mga pamilya at mahal sa buhay, nakisiya rin ang mga netizens sa kaniyang pagkapanalo.

Ayon sa post nina Jade at Ariesa Domingo sa twitter, naging daan lang ang hindi niya pagkapanalo sa Miss World 2016 upang makuha ang korona bilang Miss Universe 2018.

Proud din si Neil Jed Castro dahil naipakita ni Catriona ang kultura ng Pilipinas at dahil hindi naging hadlang ang pagkabigo upang makamit ang korona.

Masaya naman si Adaline dahil maiiuwu ulit ang korono sa Pilipinas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,