Tinawag na “most shabulized city” ni President Rodrigo Duterte ang Iloilo noong nakaraang taon. Kaya naman nagsumikap ang mga pulis na linisin ang lungsod sa pamamagitan ng paglulunsad ng sunod-sunod na anti-illegal drug operations.
Nitong Biyernes, napatay nila ang itinuturing na high value target at umano’y top drug lord na si Richard Prevendido alias Buang. Dahil dito, tinatayang nabawasan ng humigit kumulang sa 80 to 90 percent ang supply ng illegal drugs sa rehiyon.
Naniniwala ang PNP na makatutulong ito upang gumanda ang imahe ng Iloilo City sa publiko. Makakatulong din ito upang bumaba pa lalo ang mga index crimes sa Iloilo City dahil kalimitan ng mga robbery, theft, rape at murder incidents ay may kinalaman sa ilegal na droga.
Samantala, kasunod ng pagkakapatay kay Prevendido, target naman ngayon ng PNP Region 6 ang umano’y sub-leader ng drug group nitong si Ernesto “Erning” Bolivar. Si Bolivar ay dati rin umanong nagbebenta ng droga para sa Odicta drug group at sangkot sa gun for hire activities.
Tiniyak din PNP Region 6 na hindi sila titigil sa kanilang mga anti-illegal drug operation hanggang sa tuluyang masugpo ito sa Iloilo City at Western Visayas.
(Vincent Arboleda / UNTV Correspondent)
Tags: duterte, Iloilo City, Richard Prevendido