Pagkalugi ng local agriculture industry, pinangangambahan ng ilang kongresista

by Radyo La Verdad | September 14, 2018 (Friday) | 2210

Nag-aalala ang Makabayan Bloc hinggil sa posibilidad na pagkalugi ng mga kababayan nating magsasaka sa oras na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong executive order ukol sa importasyon ng pagkain.

Sinasabing layon ng bagong EO na gawing simple ang proseso ng pag-aangkat ng mga produkto upang tugunan ang problema sa inflation rate.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakapaloob dito ang planong pag-aalis o pagbabawas sa taripa na ipapataw sa mga produktong papasok sa bansa. Kabilang na dito ang mga pagkain gaya ng asukal, karne, isda at gulay.

Para kay Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas, malaking banta ito sa karapatan ng magsasaka at local traders na maibenta at kumita mula sa sarili nating produkto.

Naniniwala naman si ACT-Teachers Parylist Representative France Castro na posibleng maibenta rin sa mas mahal na presyo ang mga aangkating produkto dahil sa mataas na palitan ng piso kontra dolyar.

Sa halip na pagpapabilis sa proseso ng importasyon, ipinapanukala ng mga mambabatas na magdeklara na lamang ng price control ang Pangulo alinsunod sa nakasaad sa Republic Act 7581o ang Price Act.

Bukod sa nasabing EO, sinabi rin ni Roque na plano ring irekomenda ng mga economic managers sa Pangulo ang pagpapabilis sa proseso ng pag-aangakat ng bigas ng National Food Authority (NFA) at ang agarang pagre-release ng iba pang pangunahing produktong pagkain sa mga pantalan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,