Pagkakatalaga sa dating hepe ng nabuwag ng PNP AIDG sa binuong PNP DEG, ipinagtanggol ni PNP Chief Bato Dela Rosa

by Radyo La Verdad | December 13, 2017 (Wednesday) | 7267

Ipinagtanggol ni PNP Chief Director General Ronald Bato Dela Rosa ang bagong pwesto ni PSSupt. Albert Ferro bilang director ng PNP Drug Enforcement Group o PNP-DEG.

Nauna nang tinutulan ni Sen. Kiko Pangilinan ang pagbabalik kay Ferro sa pwesto na aniya’y hindi makatutulong para maibalik ang tiwala ng publiko sa PNP war on drugs.

Si Ferro ang dating pinuno ng PNP Anti-Illegal Drugs Group na binuwag matapos masangkot ang ilang tauhan nito sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo. Subalit si Bato, buo pa rin ang tiwala kay Ferro.

Pagtatanggol pa ng heneral, walang kinalaman si Ferro sa pagkidnap at pagpatay sa Korean businessman na si Jee. Kailangan aniya ng PNP ang isang katulad ni Ferro na pinagkakatiwalaan na ng ating foreign counterparts.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,