Pinabulaanan ni Government peace panel Chairperson Miriam Coronel-Ferrer ang isyu na mayroong pabrika ng armas ang Moro Islamic Liberation Front sa kabila ng usapang pangkapayapaan sa pamahalaan.
Ilang araw matapos masawi sa kamay ng MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at private armed group ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao, ibinunyag ni dating Philippine National Police (PNP) Director for Intelligence Boogie Mendoza na may sariling pagawaan ng armas ang MILF na mas malalakas pa sa mga baril na gamit ng SAF.
Matatandaan na sinuportahan din Sen. Alan Peter Cayetano ang impormasyon ni Mendoza at idinagdag na sa kabila ng peace talks ay nagre-recruit pa rin ng mandirigma ang MILF
Bagay na itinanggi naman ni Ferrer. Anya, batay sa kanilang intelligence report mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), walang pagawaan ng armas ang mga rebelde at karaniwan sa mga baril ng MILF ay binili sa merkado o kaya’y nakuha o naagaw sa mga engkwentro.