Mas mabilis at stable na internet connectivity sa buong Pilipinas, target ng bagong kalihim ng DICT

by Radyo La Verdad | July 2, 2019 (Tuesday) | 5161

MANILA, Philippines – Sumabak agad sa trabaho ang bagong Department of Information and Communications Technology Secretary na si Dating Senador Gringo Honasan. Pinasinayaan nito ang paglalagay ng free wifi connectivity sa Quirino Memorial Medical Center.  Ito ay bahagi ng proyektong isinusulong ng kagawan na internet connectivity sa buong bansa at inuuna ng DICT ang mga government hospitals na nangangailangan ng maayos na internet.

Ayon kay Honasan, ang pagkakaroon ng mabilis at stable na koneksyon ng internet ang isa sa kanyang prayoridad bilang bagong DICT Secretary.

 “Gusto ng makausap ng pasyente dito sa QMMC ‘yung kamaganak nila sa Mindanao at gustong makita kung kamusta si tatay si kuya yung anak nila reduce the stress of seperation through connectivity,” ani DICT Sec. Gringo Honasan.

Bukod dito, prayoridad din ni Honasan ang pagtatayo ng tinatawag na “infostructure.” Ito aniya ang tutulong sa kakulangan ng mga infrastructure project ng pamahalaan.

Inihalimbawa ni Honasan ang isang batang estudyante na kailangang maglakad ng malayo at tumawid ng ilog makapasok lamang sa ekswela. Aniya, mareresolba ito sa pamamagitan ng national broadband plan.

Ayon sa kalihim, malabong maresolba ng susunod na limang Pangulo ang kakulangan sa silid aralan sa bansa. Kaya inuumpisahan nila na mapatibay ang koneksyon ng internet lalo na sa mga liblib na lugar ng Pilipinas upang hindi na kailangang magpatayo ng maraming classrooms.

“We want to render classrooms obsolete give him a cheap tablet then use the Barangay hall as a learning center the lecture will be beamed from the most competent professor from the Philippine National High School that will change his life,” ani DICT Sec. Gringo Honasan.

Aminado naman si dating DICT acting Secretary Eliseo Rio, Jr. na mahina siya sa management kung kayat ikinatuwa niya ang pagpasok ng bagong Kalihim. At nakahanda naman si Secretary Honasan na makipagtulungan kay Rio na ngayon ay Undersecretary at Head ng Operations ng DICT.

Ipinagtanggol naman ni Honasan ang proseso na ginawa ng DICT sa pagpili ng ikatlong network provider sa bansa.

“I think thats unfair to add unwarranted political color to a bidding process that is openly conducted under the supervision of Secretary Rio with NTC there and NGO it was comparatively transparent and fair,” ayon kay DICT Sec. Honasan.

Binalewala naman ni Honasan ang mga bumabatikos sa kanya na nagsasabing hindi siya nababagay sa posisyon bilang kalihim ng DICT.

Matatandaan na naging usapin noon ang paggamit ni Honasan ng isang analog cellphone sa kabila ng pagusbong ng mga smartphones.

 “If there are questions about my technical competence maybe its up for debate but I would put this credentials  44 years of public service on the table and then let the appointing authority decide, ‘pag mag problema eh di ‘wag ako,” sinabi ni DICT Sec. Gringo Honasan.

Dagdag pa niya, nakahanda siyang bumaba sa pwesto sakaling hindi matuwa si Pangulong Duterte sa kanyang performance bilang DICT Secretary.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , ,