Pagkakaroon ng batas ukol sa “Fake news”, hindi magiging madali – Sen. Vicente Sotto III

by Radyo La Verdad | October 6, 2017 (Friday) | 2626

Determinado si Liberal Party Senator Bam Aquino na isulong ang panukalang batas na magbibigay ng parusa sa mga gumagawa ng fake news, ito ay kasunod ng isinagawang imbestigasyon ng Senado dito. 

Ngunit ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, tiyak na mahihirapang maging batas ang panukalang ito.

Aniya, maaaring tamaan nito ang mga lehitimong mamamahayag at posibleng masagasaan nito ang  karapatan sa freedom of speech at expression na malinaw na nakasaad sa konstitusyon.

Ayon pa sa senador, hindi lahat ng tao ay may kakayahan na tukuyin kung sino ang naninira sa kaniya sa isang social media platform.

Ilang mga panukala aniya ang maaaring pag-aralan dito bilang alternatibo, tulad ng pagrerehistro ng mga blogger o mga nasa social media platform.

Sa ilalim ng Anti-fake news bill ni Senator Joel Villanueva, ang mapatutunayang gumagawa ng fake news ay maaaring magmulta ng hanggang 5 million pesos at makulong ng hanggang limang taon.

Sinoman na tumutulong sa pagpapakalat ng maling balita ay maaari ring magmulta ng hanggang tatlong milyong piso at makulong ng hanggang tatlong taon.

Maging ang isang media organization o mga nasa social media platform na tumatangging alisin ang isang maling balita ay maaaring magmulta ng mula 10 hanggang 20 million pesos at posibleng makulong ng hanggang dalampung taon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,