Isang pagkakamali ang gawaran si Pangulong Rodrigo Duterte ng “Person of the Year 2017” ng Organized Crime and Corruption Reporting Project o OCCRP ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
Ang OCCRP ay isang international non-government organization na anim na taon na umanong kumikilala sa mga indibidwal na may pinakamatinding ginawa para isulong ang organized criminal activity at korupsyon.
Ayon sa lathala nito, ang mga umano’y death squad at bullying ang dahilan kung bakit napiling Person of the Year si Pangulong Duterte.
Subalit, ayon kay Secretary Andanar, mali ang award na ito. Kabaligtaran umano ang ginawad na ito dahil ginawa aniya ng punong ehekutibo ang lahat para labanan ang organized crime, partikular na ang iligal na droga gayundin ang katiwalian sa pamahalaan.
Katunayan umano nito ang pagkakatanggal sa pwesto ng mga opisyal ng gobyerno dahil sa mga alegasyon ng katiwalian tulad ng junkets.
Samantala, tumanggi naman si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na magbigay ng komentaryo hinggil sa isyu dahil hindi anito alam kung anong uring award ito at kung sino ang nasa likod nito.
Ani Roque, sapat na ebidensya na nasisiyahan ang publiko sa administrasyong Duterte, ang pananatili ng mataas na trust rating ng Pangulo at 96 na porsyento ng mga Pilipino ang puno ng pag-asa para sa taong 2018.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent )